Atong Ang, Gretchen Barretto tagged in missing sabungeros case

gretchen barretto atong ang julie paditongan

Direktang pinangalanan ni Alias Totoy ang negosyanteng si Atong Ang at ang aktres na si Gretchen Barretto na sangkot umano sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Sa eksklusibong panayam ni Emil Sumangil para sa 24 Oras ng GMA-7 ngayong Miyerkules, Hulyo 2, 2025, nagpasya si Alias Totoy na ilantad na ang tunay niyang pangalan dahil kung anu-ano na raw ang ibinibintang sa kanya ng mga kalaban.

Si Alias Totoy ay si Julie “Dondon” Aguilar Paditongan, hepe ng security agency na may hawak ng mga farm at sabungan na pag-aari umano ni Atong.

Kabilang siya sa anim na kinasuhan ng kidnapping and serious illegal detention kaugnay ng pagkawala ng mga sabungero sa iba’t ibang panig ng bansa.

Bagamat maririnig na ang tunay na boses ni Paditongan sa panayam sa kanya ng 24 Oras, naka-blur pa rin ang kanyang mukha.

Read: Gretchen Barretto, nasa listahan ng sangkot sa missing sabungero?

julie paditongan 24 ras

Julie “Dondon” Paditongan during his exclusive interview with Emil Sumangil
Photo/s: GMA Network

THE ALLEGED MASTERMINDS

Sa panayam ni Sumangil, pinangalanan na ni Paditongan ang mga mastermind diumano sa pagkawala ng hindi raw bababa sa 100 sabungero.

Kasama umano rito ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang, ang aktres na si Gretchen Barretto, at dalawang iba pa.

Pahayag ni Paditongan: “Nandiyan sa affidavit ko yan. Mr. Charlie ‘Atong’ Ang, Eric dela Rosa, Engineer Celso Salazar.

“Sila ang mastermind sa nawawalang mga sabungero. Sila ang utak ng lahat…”

Sa mga nabanggit niyang pangalan, si Atong umano ang “pinaka-mastermind.”

Saad ni Paditongan: “At si Mr. Atong, siya yung chairman ng Pitmaster. Siya ang pinaka-mastermind.

“Siya ang nag-uutos na talagang iligpit yang mga yan [missing sabungeros].”

Pinangalanan din ni Paditongan ang “babaeng artista” na sangkot din umano sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

“Yang artista na yan, walang iba kundi si Ms. Gretchen Barretto.

“Hundred percent na may kinalaman siya at gawa na lagi silang magkasama ni Mr. Atong Ang.

“Panawagan ko lang sa kanya, para naman medyo maano siya, makipagtulungan na lang siya sa akin.”

Kilalang malapit si Atong kay Gretchen, na madalas makita noong magkasama sa iba’t ibang lugar, kabilang na sa mga sabungan.

atong ang gretchen barretto

Gretchen Barretto and Atong Ang spotted together at Matira Matibay 12-Stag Derby in Cavite last July 30, 2021.
Photo/s: Kawa Gamefowl on Facebook

WHY PADITONGAN DECIDED TO SPEAK OUT

Tila naghugas naman ng kamay si Paditongan nang tanungin ni Sumangil kung bakit kasama siya sa mga kinasuhan sa mga nawawalang sabungero.

“Sa totoo lang, wala akong kinalaman diyan at isa lang akong utusan niya [Atong Ang] bilang farm manager,” sabi niya.

May inuutusan umanong mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) para dumukot sa mga nawawalang sabungero.

Nagbigay rin ng reaksiyon si Paditongan sa paghahain ni Atong Ang ng reklamo laban sa kanya dahil sa pagdadawit niya sa negosyante.

Sabi niya, “Parang kinasuhan na rin niya yung sarili niya dahil ako ang kakasuhan niya. Siya naman ang nag-uutos ng lahat.”

Pinabulaanan din ni Paditongan ang alegasyong nangulimbat siya ng PHP300 million at bilyonaryo na siya ngayon.

“Sabi nga ng matatanda, huwag ka nang magtago sa palda ng nanay mo,” mensahe pa niya kay Atong Ang.

Nanawagan din si Paditongan sa apat na dating guwardiya, na nakiusap sa kanyang huwag silang idawit, na lumantad na rin.

Ayon kay Paditongan, ilang araw mula ngayon ay tuluyan na siyang lalantad kapag nakumpleto na nila ang mga dokumento para sa paghahain niya ng pormal na reklamo.

Sinabi ni Paditongan na kaya siya lumutang ngayon ay dahil pinagkakatiwalaan niya ang bagong talagang PNP chief na si General Nicolas Torre.

Nakiusap din si Paditongan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tulungan siya dahil lahat umano ng kanyang sinasabi ay “walang kasinungalingan at walang perang kapalit dito.”

Ayon sa GMA Integrated News, sinusubukan pa nilang kunan ng pahayag ang mga binanggit na pangalan ni Paditongan.