Ibinahagi ng kontrobersyal na social media influencer at fitness coach na si Rendon Labador ang kanyang saloobin matapos siyang hindi inaasahang tanggalin sa programa ng Philippine National Police (PNP) na may layuning magpaayos ng pangangatawan ng mga pulis. Ayon kay Rendon, labis siyang nasaktan sa naging desisyon, lalo na’t hindi man lang siya nabigyan ng malinaw na abiso o paliwanag mula sa pamunuan ng PNP. 

Sa isang panayam, ikinuwento ni Rendon kung paanong nabigla siya sa balita.

“As a normal na tao, siyempre masakit sa akin ‘yon na tanggalin ng PNP. Kasi isang araw pa lang kami nagte-training tapos wala man lang nagsabi sa akin. Nakita ko na lang sa news trending na, na tinanggal na pala ako,”  saad ni Rendon, puno ng pagkadismaya.

Hindi rin ikinaila ng fitness personality ang kanyang emosyon sa pagkakadismis.

“Nalungkot, nalungkot talaga ako. Hindi ko maikakaila ‘yung naramdaman ko, siyempre tao lang din ako,” dagdag niya.

Ayon naman sa opisyal na pahayag ng PNP, walang pormal na pahintulot mula sa pinuno ng organisasyon na si PNP Chief Gen. Nicolas Torre III upang bigyan ng opisyal na papel si Rendon sa nasabing weight loss campaign. Base sa inilabas na memorandum ng PNP Directorate for Community Police, nilinaw nilang walang fitness instructor o sinumang personalidad mula sa labas ng organisasyon ang inaprubahan para mamuno sa naturang aktibidad.

Matatandaang bago ang insidente ng kanyang pagkakatanggal, isang araw lang naaktuhang pinangunahan ni Rendon ang ilang bahagi ng ehersisyo at physical training sa ilalim ng Police Community Affairs and Development Group (PCADG). Bagamat maikli ang kanyang naging partisipasyon, marami ang nakapansin at umani ito ng atensyon sa social media.

Sa kabila ng negatibong karanasan, nagpahayag pa rin si Rendon ng pasasalamat sa mga miyembro ng pulisya na naging bukas sa kanyang presensya noong una siyang inanyayahan. Aniya, wala siyang intensyong agawan ng papel ang sinuman, kundi layunin lamang niyang makatulong sa pagpapalaganap ng healthy lifestyle at disiplina sa katawan.

Hindi rin naiwasang magbigay-komento ng ilang netizens ukol sa pangyayari. May ilan na nagpakita ng suporta kay Rendon, sinasabing tila hindi makatarungan ang ginawa ng PNP, lalo na kung tunay naman ang intensyon niyang tumulong. Sa kabilang banda, may mga nagsabi rin na dapat ay dumaan muna sa tamang proseso at koordinasyon sa loob ng institusyon bago siya isinama sa opisyal na programa.

Para kay Rendon, isa itong karanasang puno ng aral. “Hindi ko man napatuloy ang pagsali sa programa ng PNP, dadalhin ko pa rin ang layunin kong itaguyod ang fitness at disiplina. Hindi dito matatapos ang advocacy ko,” pagtatapos niya.

Sa ngayon, nananatiling tahimik ang PNP sa posibilidad ng muling pakikipag-ugnayan kay Rendon sa hinaharap. Ngunit malinaw na ang isyu ay nagbukas ng usapin tungkol sa proseso ng pagpili ng mga tagapagsanay at ang kahalagahan ng malinaw na komunikasyon sa pagitan ng mga institusyon at indibidwal na nais tumulong.