Muling naging laman ng usap-usapan sa social media ang aktres na si Kim Chiu, matapos niyang paulit-ulit na batiin ang aktor na si Paulo Avelino sa kanyang kaarawan. Noong Mayo 13, sa mismong birthday ni Paulo, ay nag-post si Kim ng sunod-sunod na Instagram stories bilang pagbati sa itinuturing ng marami na kanyang “rumored boyfriend.”

 

Hindi lang isa, kundi tatlong beses binati ni Kim si Paulo sa magkakaibang Instagram story—isang kilos na agad namang pinansin ng mga masusugid na tagasubaybay nila. Ayon sa mga netizen, tila hindi ito karaniwang pagbati kundi isang mas personal at sweet na paraan ng pagpapakita ng pagkagiliw.

Sa unang post ni Kim, makikita ang isang close-up na larawan ni Paulo habang nasa isang tulay. Sa caption ay nakasulat: “Happiest birthday @bosspauavelino.” Pansin agad ng mga netizens ang paggamit niya ng salitang “boss,” na tila may malalim o personal na kahulugan sa pagitan nilang dalawa.

Sa ikalawang story, muling binati ni Kim ang aktor. Sa pagkakataong ito, ibang larawan naman ang ipinost niya—mas relaxed ang aura ni Paulo—na may kalakip na simpleng mensahe: “Happy birthday, boss @pauavelino.” Muling binanggit ni Kim ang salitang “boss,” bagay na naging sentro ng atensyon ng mga kibitzers online.

Ang pangatlo at huling greeting ay isang cropped photo ni Paulo, kung saan makikita ang kanyang nakangiting mukha. May kasama itong mas mahaba-habang mensahe mula kay Kim: “Wishing you many more birthdays, good health, and SMILES LIKE THIS! Enjoy your day Boss pauavelino.” Sa mensaheng ito, mas kapansin-pansin ang pagkakabuo ng mga salita—tila punô ng lambing, at may halong pag-aalaga sa paraan ng pagbati.

Hindi na nakapagtataka na agad itong naging mitsa ng intriga. Maraming netizens ang naghayag ng kanilang speculations at biro sa social media. May ilan na nagsabing, “Grabe si Kim, parang pinulutan si Paulo sa birthday greetings. Sunod-sunod ang lambing!” Habang ang iba naman ay nagsabing, “Mukhang hindi na ‘rumored’ ang relasyon nila—baka official na talaga!”

Sa kabila ng mga haka-haka, hindi pa rin malinaw kung ano talaga ang tunay na estado ng relasyon nina Kim at Paulo. Matagal nang kinikilig ang fans sa kanilang tambalan, lalo na matapos ang proyekto nilang “Linlang,” kung saan lalong naging kapansin-pansin ang kanilang chemistry on- and off-screen. Ilang beses na ring natanong si Kim tungkol sa tunay na estado ng ugnayan nila ni Paulo, ngunit nananatiling tikom ang kanyang bibig sa mga tanong tungkol dito.

May ilang netizens din na naintriga sa paulit-ulit na paggamit ni Kim ng “boss” sa pagtukoy kay Paulo. Ayon sa ilang komentarista online, baka raw may inside joke ang dalawa sa paggamit ng katawagan. Meron din namang nagbiro na, “Aba, mukhang handa nang ‘paalipin’ si Kim kay Paulo, kaya boss na ang tawag!”

Bagamat wala pang pormal na kumpirmasyon mula sa dalawa, hindi maikakaila na mas lalong umaapoy ang interes ng publiko sa kanilang sinasabing “espesyal” na relasyon. Ang simple at sunod-sunod na pagbati sa Instagram ay tila nagsilbing patikim ng isang mas malalim na ugnayan na hanggang ngayon ay isang palaisipan pa rin sa maraming tagahanga.

Kung pagmamasdan ang mga kilos, post, at pag-uugali ng dalawa sa publiko, tila nga hindi malayo ang posibilidad na may something special sa pagitan nila. At sa bawat post na tulad ng kay Kim, lalong nadaragdagan ang excitement ng mga fans na umaasang sana’y maging opisyal na ang kanilang pag-iibigan.