Doctors attempted to revive Nora but she never again gained consciousness.

Nora Aunor last moments spent with children on April 16, 2025.

Nora Aunor’s children Ian, Lotlot, Matet, and Kenneth whispered their farewells to their mom in the hours before she passed away on April 16, 2025 at The Medical City in Pasig City. Nora never regained consciousness.
PHOTO/S: Nadia Montenegro

Kapiling ni Nora Aunor ang mga anak sa pinakahuling sandali ng kanyang buhay.

Eksaktong 9:53 P.M. ng Miyerkules Santo, Abril 16, 2025, nang idineklara ng duktor na wala na si Nora Cabaltera Villamayor, na kilala sa buong Pilipinas bilang Nora Aunor, ang Superstar.

Naka-confine si Nora sa The Medical City sa Pasig City nang halos pitong araw lamang bago ito pumanaw.

Napag-alaman ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na, sa mismong oras ng kanyang pagpanaw, nasa loob ng hospital room ang kanyang mga anak: sina Ian de Leon, Lotlot de Leon, Matet de Leon, at Kenneth de Leon.

Hinintay nila ang isa pang kapatid, si Kiko de Leon, na noo’y nasa Bataan, hanggang sa lumaon ay hindi na nila ito mahintay.

Si Ian ang tanging biological child ni Nora sa ex-husband na si Christopher de Leon. Adopted kids nila sina Lotlot, Matet, Kenneth, at Kiko.

Nasa loob din ng hospital room ang misis ni Ian at misis ni Kenneth.

Si National Artist Ricky Lee ang tanging hindi kaanak na kasama sa kuwarto. Kung tutuusin, may history sina Nora at Ricky bilang collaborators sa industriya, ngunit higit riyan ay may panahong naging tatay-tatayan si Ricky ng mga anak ng Superstar.

Wala nang malay si Nora sa mga oras bago siya bawian ng buhay.

Pero ibinubulong kay Nora ng mga nasa kuwarto ang kanilang mga huling mensahe sa paniniwalang maririnig pa rin ito ni Nora.

Marami ring mga nasa labas ng hospital room na noo’y naghihintay at nananalangin sa paggaling ng National Artist.

Matagal ang paghintay ng update sa kanyang kalagayan.

Sinasabing merong “at least four attempts” ang mga doktor para i-revive si Nora, na noo’y maga na ang mukha at may mga tubo sa ilong at bibig.

Matapos ang ilang beses na pagri-revive nang walang katuparan, saka gumawa ng mahirap na desisyon ang pamilya na pagpahingahin na ang pagod na pagod na katawan ng kanilang ina.

Hindi na nagkamalay pa ang legendary actress-singer.

Nora Aunor with her children Ian, Lotlot, Matet, Kenneth, in-laws, and apos.

Nora Aunor (foreground) with (L-R) Lotlot’s husband Fadi, Lotlot, Ian, Matet with kids, Kenneth, and Kenneth’s wife. 
Photo/s: Jerry Olea

NORA AUNOR’S ILLNESSES

Bagamat marami nang iniindang sakit si Nora, hindi inaasahan ng mga malalapit sa kanya ang kanyang pagpanaw.

Isang linggo lang ang nakararaan, noong Abril 10, nang ma-confine siya sa ospital.

Hindi malinaw ang eksaktong health bulletin hinggil sa kanyang karamdaman.

Pero noong Martes Santo, Abril 16, sumailalim pa si Nora sa angioplasty, base sa ulat ng PEP Troika.

Ang angioplasty, ayon sa nhs.uk, ay medical procedure kunsaan binubuksaan ang nagbarang coronary arteries o main blood vessels na nagsu-supply ng dugo sa puso.

Bukod dito, napag-alaman ng PEP na si Nora ay mayroong chronic obstructive pulmonary disease (COPD), na tulad ng sakit ng namayapang Comedy King Dolphy.

Ang COPD, ayon sa WHO, ay “common lung disease” na nagreresulta sa hirap sa paghinga.

Binanggit din ng WHO na maaari itong magdulot ng ibang kumplikasyon tulad ng “lung infection, heart problem, weak muscles, and brittle bones.”

Sa kaso ni Nora, ilang beses na na niyang inirereklamo ang mga nararamdaman. Madalas sa kausap niyang malalapit na kaibigan, sasabihin ni Nora, “Tumatanda na tayo…ang hirap.”

Sinasabi rin niyang pagod na siya kapag meron na namang nirerekomendang surgery na hangga’t maaari’y ayaw na niya. Hirap na rin siyang magsalita.

Piling-pili na ang mga pinupuntahang events ni Nora, at kapag lumalabas ito ay naka-wheelchair na ito.

NORA AUNOR LAST PROJECTS

Bumida si Nora sa higit 170 pelikula.

Ang masasabing huling proyektong trinabaho ni Nora ay ang kanyang recording para sa pelikulang Isang Himala, ang musical-drama movie na sinulat ni Ricky Lee at co-writer na si Pepe Diokno.

Si Diokno rin ang direktor ng pelikulang naging isa sa entries sa 2024 Metro Manila Film Festival noong Disyembre.

Tumanggi si Nora na maging bahagi ng pelikula, ayon kay Ricky, dahil buo na raw ang konsepto at abala pa sa kanila kung idadagdag siya bilang panibagong karakter. Marahil din ay hindi na kakayanin ng kanyang kalusugan ang pag-shooting ng ilang araw.

Si Nora ang nagsabi kina Lee at Diokno, “Ano kaya kung bigyan na lang ako ng role na voiceover?”

Pumayag sina Lee at Diokno, kaya ang maririnig na voiceover sa umpisa at sa dulo ng pelikula ay kay Nora.

Ginawa ni Nora ang recording sa Narra Post Production Studio. Dito muling ipinamalas ni Nora ang kagustuhang ibigay ang lahat para mapaganda ang isang proyekto.

Naka-dalawang take si Nora sa kanyang recording, kahit nagsabi ang mga nasa studio na maayos na ang lahat sa unang take pa lamang.

Kuha niya agad ang tono at timpla na hinihingi ng voiceover. Pero siya mismo ang may gustong kunan pa ng isa take, na ginawa naman ng direktor.

Ang huli niyang pelikula ay ang title role sa Mananambal, kunsaan co-star niya ang Kapuso actress na si Bianca Umali.

Directed by Adolf Alix Jr., ipinalabas ang Mananambal sa mga sinehan noong February 28, 2025.

Sa telebisyon, huli siyang napanood sa GMA Afternoon Prime series na Lilet Matias: Attorney At Law, na umere mula March 2024-February 2025.

Gumanap si Nora bilang kliyente ni Lilet, na ginampanan ni Jo Berry. Dati na silang nagkatrabaho sa 2018 Kapuso prime-time series na Onanay.

NORA AUNOR BOOKENDs SAGIP PELIKULA

Nakakatuwa’t ang mga pelikula ni Nora ang naging una at huling proyekto ng Sagip Pelikula, ang kahanga-hangang digital-film restoration project ng ABS-CBN.

Ang una ay ang critically acclaimed film na Himala (1982), na idinirek ng naging National Artist ding si Ishmael Bernal.

Sa madalas pinagpupunyaging pelikula, gumanap si Nora bilang Elsa, isang dalaga sa bayan ng Cupang na sinasabing nakasaksi ng milagro nang magpakita sa kanya ang Birheng Maria.

Ang panghuli ay ang Tatlong Ina, Isang Anak (1987), na idinirek ni Mario O’hara.

Bumida rito si Nora kasama sina Gina Alajar at Celeste Legaspi, pati na rin ang mga anak ni Nora na sina Matet at Lotlot.

Natigil ang Sagip Pelikula nang minaneobra ng mga kaalyado sa Kongreso ng dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapasara sa ABS-CBN, ang network na ilang ulit ding minura-mura ng Presidente.

May 5, 2020 nang ipag-utos ng National Telecommunications Commission ang pagtigil ng broadcast operations ng Kapamilya Network, ang kilalang broadcasting giant ng bansa.

July 10, 2020 nang ibasura nang tuluyan ng Kongreso ang franchise renewal application ng ABS-CBN.

Makalipas ang anim na araw, noong July 16, 2020, may pagmamalaking sinabi ni Duterte sa isang pagtitipon: “Without declaring martial law, I dismantled the oligarchy that controlled the economy of the Philippines.”

Dahil dito, natuyuan ng pondo ang Sagip Pelikula—na siya sanang nagsasalba ng mga pelikulang lokal na nasisira na lamang—hanggang sa tuluyan na itong isara.

nora aunor’s withdrawal from 2025 elections

Kumakandidato si Nora bilang second nominee ng People’s Champ Party-List nitong 2025 May election.

Ngunit iniatras niya ang kanyang kandidatura dahil sa health reasons.

Noong January 8, 2025, nagsumite si Nora ng notarized letter ng kanyang opisyal na pag-atras.

Tinanggap ito ng party-list group, at ipinagbigay-alam sa COMELEC noong February 2025.

NORA AUNOR’S FUNERAL RITES

Sa ngayon, simula na ng lamay para kay Nora sa The Heritage Memorial Park sa Taguig City.

Tanging pamilya lamang ang inaasahang magpupunta sa misa mamayang gabi.

Sa Abril 18, Biyernes Santo, pamilya at mga kaibigan ang inaasahang makikilamay.

Sa Abril 19, Sabado de Gloria, 10 A.M. to 4 P.M. ang itinakdang public viewing.

Sa Abril 20, Linggo ng Pagkabuhay, parehong oras ulit ang public viewing.

Sa Abril 21, Lunes, pamilya at mga kaibigan ang maaaring dumalaw.

Sa Abril 22, Martes, ang interment na gagawin sa Libingan Ng Mga Bayani.

Inaantabayan pa ang mga detalye para sa state funeral ni Nora.