National Artist money benefits have limits.

Nora Aunor, Lisa Araneta-Marcos, Ferdinand Marcos Jr.

An executive from the Presidential Communications Office tells media that President Ferdinand Marcos Jr. and his wife, First Lady Lisa Araneta-Marcos—seen here at Nora Aunor’s wake at Heritage Park—covered Nora’s hospital bills and other expenses. 
PHOTO/S: @ms.lotlotdeleon Instagram / Screenshot from PEP TV video

Binayaran ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga utang at iba pang naiwang bayarin ni Nora Aunor.

Ito ang pahayag ni Analisa Puod, senior undersecretary for operations and strategic communications ng Presidential Communications Office (PCO), ngayong Linggo, April 27, 2025, sa media.

Sa report ng GMA News Online, sinabi ni Puod na galing sa mismong bulsa ni Presidente Bongbong Marcos ang naging panagot sa ilang gastusin ng namayapang Filipino icon.

Nagbigay rin daw ng personal niyang pera si First Lady Lisa Araneta-Marcos.

Nilinaw ni Puod na hindi ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang nagbayad ng hospital bills ni Nora kundi ang Office of the President at ang Presidente mismo.

Covered ng Office of the President ang hospital bills ni Nora dahil ito ay National Artist for Film and Broadcast Arts, ngunit may hangganan itong P750,000 kada taon.

Dahil sa isang private hospital na-confine si Ate Guy, isang bansag kay Nora, ang total bill ay mas malaki sa takdang limit na kakayaning panagutan ng Office of the President.

“Aside sa makukuha niya as National Artist, nagbigay ng personal na pera yung mag-asawa,” sabi pa ni Puod, na ang tinutukoy ay si Presidente Marcos at ang First Lady.

“Kasi nasa private hospital si Nora Aunor, malaki yung bill, na di na kayang i-cover.

“Di lang yung hospital bill yan. Pati ibang utang at ibang expenses daw, galing sa personal na pera ni PBBM yan.”

Hindi na idinetalye ng PCO official kung magkano at kung anu-ano ang mga binayaran ng First Couple.

OTHERS in the industry HAVE CHIPPED IN

Napag-alaman naman ng PEP (Philippine Entertainment Portal) na, bago pa kumilos ang Presidente at First Lady, may mga tiga-industriya—mga indibidwal at kumpanya—na minarapat nang magbigay-tulong pinansyal sa pamilya ni Ate Guy.

Marahil ito lang ang tamang mangyari.

Sa pagpanaw ni Ate Guy, naglabasan ang mga kuwento ng kanyang kabutihang-loob sa mga walang-wala.

Nagsalita ang mga direktor, screenwriter, kapwa artista at iba pang saksi sa kung anu-anung mga kusang pagtulong ni Ate Guy sa fans, sa crew, at sa kapwa artista nang siya’y nabubuhay pa—sa panahon man ng kasikatan niya at kahit sa paglamlam nito.

Maririnig sa mga naging eulogy sa kanyang lamay ang mga pagkakataon, na kahit daw wala na itong mahugot sa sariling bulsa, kung kinakailangan niyang utangin ang ramdam niya’y dapat ipamigay, gagawin niya.

Maging ang sariling pamilya ni Nora ay nagsabing malinaw sa kanila na hindi mahalaga ang pera sa ina.

Sabi naman ng ilang naging saksi sa kanyang karir, napakaraming pera ang dumaan sa kamay ng Superstar sa mahigit limampung taon nito bilang recording artist, actress, TV host, at concert performer. Marami ang nakinabang dito at meron pa ngang mga nagsamantala.

Ngunit wala raw bahid ng galit sa kalooban ni Nora dala na rin daw ng malalim na paniniwala nito sa Diyos.

Ngayong nagpapaalam ang mga tao sa nag-iisang Superstar, tila ibinabalik naman nila sa kanya ang generosity nito nang siya’y nabubuhay pa.

Matatandaang namayapa si Ate Guy noong April 16, 2025.

 

Binigyan siya ng state funeral noong April 22, 2025, sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City.