Hajji Alejandro passed away after a battle with Stage-4 colon cancer.

Hajji Alejandro says he has not met a disrespectful star in showbiz

Hajji Alejandro passes away after battle with colon cancer. 
PHOTO/S: Rommel Gonzales

Pumanaw na ang tinaguriang “Kilabot ng Kolehiyala” noong ’70s na si Hajji Alejandro.

Siya ay 70 taong gulang.

Kinumpirma ito ng pamilya Alejandro, base sa post ni Girlie “GR” Rodis.

Sabi sa official statement ng pamilya: “It is with deep sorrow that we announce the passing of our beloved Dad and Son, Angelito ‘Hajjii’ Alejandro.

“At this time, we kindly ask for privacy as our family grieves this tremendous loss. We appreciate your understanding and support during this difficult time.

“To God be the glory.”

Naiulat na may Stage-4 colon cancer si Hajji noon lamang Marso 25, 2025.

HAJJI ALEJANDRO’S BATTLE WITH COLON CANCER

Ang kanyang partner ng 27 years, na si Alynna Vasquez, ang nagkumpirma sa karamdaman ni Hadji sa panayam niya kay Julius Babao.

Base sa kuwento ni Alynna, sumailalim sa operasyon si Hajji noong Pebrero 2025.

Matapos ang operasyon ay nagkaroon ng “seizures” si Hajji dahil sa infection kaya ito napunta sa ICU.

Gumaling naman daw si Hajji bandang Marso, sakto sa kaarawan ni Alynna na pumapatak ng Marso 7.

Nang magpainterbyu si Alynna kay Julius ay nasa bahay na raw at nagpapagaling si Hajji.

Kuwento rin noon ni Alynna, hindi makapaniwala si Hajji nang una nitong malaman na mayroon itong colon cancer.

“Bigla lang talaga, e, naggo-golf siya. He does everything, he walks. Ako nga yung tamad, e.

“Healthy eating naman siya and, all of a sudden, that happened.

“Hindi siya umiyak, hindi siya umiyak, but I know isip siya nang isip,” sabi noon ni Alynna.

Sabi rin ni Alynna, “And I know in his heart, malalampasan niya iyon.”

RECENT HEALTH UPDATE ON HAJJI ALEJANDRO CONDITION

Naakapanayam naman ang anak ni Hajji, ang singer ding si Rachel Alejandro, sa Parangal ng Sining ng Film Development Council of The Philippines noong Abril 11.

Ibinalita noon ni Rachel na “doing better” si Hajji at nagpapagaling sa bahay.

Kumpiyansa noon si Rachel na tuluy-tuloy ang paggaling ng ama at naniniwala raw siyang makakabalik ito sa pagkanta.

“Siyempre, first love niya talaga ang singing and performing for all of you.

“Nothing makes us happier, kaming mga singers, e.

“And in my mind, nakikita ko na tatapak kami ng entablado, magkasama ulit,” sabi pa ni Rachel.

HAJJI ALEJANDRO CAREER

Kabilang sa mga pinasikat na kanta ni Hajji ay ang “Kay Ganda ng Ating Musika,” “May Minamahal,” “Nakapagtataka,” “Tag-araw, Tag-ulan,” at “Panakip-Butas.”

Nakilala rin siya bilang miyembro ng OPM Hitmakers, kunsaan kasama niya sina Rey Valera, Nonoy Zuñiga, at Marco Sison. Kabilang din sa grupo si Rico J. Puno, na pumanaw noong 2018.

Taong 1978 nang manalo siya sa pinakaunang Metro Manila Popular Music Festival (Metropop) kunsaan kinanta niya ang “Kay Ganda ng Ating Musika” ni Maestro Ryan Cayabyab.

First single niya ang “Tag-araw, Tag-ulan.”

Kuwento niya noon sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal): “I remembered the first time narinig ko yung ‘Tag-Araw, Tag-Ulan’ sa radio.

“Natapos kong i-record, tapos several weeks later, pinatugtog sa radio. Talagang nagda-drive ako, umiiyak ako talaga, yung feeling na talagang ang sarap, from inside nararamdaman mo.

“Ganun din ang nararamdaman ko pag kinakanta ng ibang tao yung mga awitin ko.”