Balimbing o boses ng masa?
Nora Aunor made her presence felt both at the first EDSA Revolt (L) and EDSA Dos (R).
PHOTO/S: Wikimedia; Eat Bulaga! via Wikimedia; Manila Times
Sa laki at lakas ng fandom ni Nora Aunor, ang sakop ng kanyang impluwensiya ay hindi sumaklaw sa pelikula, telebisyon, at musika lamang.
Sa katunayan, ang pangalan niya ay nababanggit sa ilang historical events, at ang presensiya niya ay hindi basta-basta mababalewala.
Narito ang ilan sa mga kuwento tungkol kay Nora Aunor—na kilala rin bilang Ate Guy at Superstar—at sa kanyang ties, activities, at contributions sa mundo ng pulitika—na dalawang beses niyang sinubukang pasukin.
NORA AUNOR’S FRIENDSHIP WITH THE MARCOS FAMILY
Malapit si Ate Guy kay Doña Josefa Edralin Marcos, na ina ng dating Pangulo Ferdinand Marcos, Sr.
Sa katunayan, tinawag pa ni Doña Josefa na “daughter of charity” ang namayapang alagad ng sining.
Josefa Edralin Marcos (in Maria Clara attire), mother of Ferdinand Marcos Sr. (R), Pacifico (R), and Elizabeth
Photo/s: Wikimedia
Ito ay dahil sinuportahan ni Ate Guy ang mga charity projects ng Marcos matriarch sa panahong kilala na ito bilang kaisa-isang “Superstar.”
Isa sa mga proyektong ito ay na-feature sa isang lumang magazine na nailathala noong 1974, dalawang taon matapos ibaba ang martial law.
Saad ni Doña Josefa, “Isipin na lang natin, si Nora ay masyado ring abala sa kanyang mga gawain, pero dahil sa imbitasyon natin, narito siya ngayon sa Iloilo at kapiling ninyo.
“At nakahanda siyang maglingkod alang-alang sa ating foundation, for the sake of charity.”
Noong panahong iyon, phenomenal na ang kasikatan ni Ate Guy sa showbiz.
Ilang taon na ring napakasikat ng love team niya with Tirso Cruz III, at dalawang beses na siyang nakakuha ng Best Actress nomination sa Filipino Academy of Movie Arts and Sciences Award (FAMAS).
Bukod kay Doña Josefa, maiko-connect din si Ate Guy kay Imee Marcos, apo ng Marcos matriarch, na siyang namuno ng Experimental Cinema of the Philippines (ECP) noong panahong ang kanyang amang si Ferdinand Marcos Sr. ay nakaupo sa Malacañang.
Ang ECP ang producer ng Himala, ang 1982 Ishmael Bernal-Ricky Lee film na ngayo’y kinikilalang classic, tampok si Nora.
May kuwento si Imee sa press tungkol sa pagkuha ng ECP sa Superstar para maging bida ng iconic film na ito.
“Sumakit ang ulo ko sa Himala dahil, at that point, si Ate Guy was bound by all kinds of conflicting contractual obligations.
“Nahilo kami noon, maraming kaso para makuha siya noon,” saad ni Imee sa isang panayam noong 2023.
Imee Marcos (middle) with Nora Aunor’s children (L-R) Kenneth, Kiko, Matet, and Ian at the wake of Nora, April 2025
Photo/s: Rommel Gonzales
NORA AUNOr’S SUPPORT FOR NINOY AQUINO
Samantala, naging malapit ang Superstar kay Lupita Aquino-Kashiwahara, ang award-winning director na kapatid ni Benigno Aquino Jr., a.k.a. Ninoy Aquino.
Noong 1976, si Lupita ang direktor ng dalawa sa mga importanteng pelikula ni Ate Guy—ang horror film na Magandang Gabi sa Inyong Lahat at ang heavy-drama movie na Minsa’y Isang Gamu-gamo.
Dahil sa koneksiyon ni Ate Guy kay Direk Lupita ay nakilala niya si Ninoy.
Lupita Aquino-Kashiwahara directed Nora Aunor’s classic film Minsa’y Isang Gamu-Gamo.
Photo/s: Screen Grab from TPLP on YouTube
Sa kuwento ni Baby K. Jimenez, ang dyornalistang kaibigan ni Ate Guy, sa broadsheet na Philippine Daily Inquirer noong 2014, ninang si Lupita ng Superstar noong ikinasal siya sa dating asawang si Christopher de Leon.
Bukod pa rito, sa bahay raw ni Direk Lupita nakikitira si Ate Guy kapag pumupunta ito sa San Francisco, California, USA, noon.
Noong 1982, isang taon bago paslangin si Ninoy, nagtagpo ang landas nina Nora at Ninoy sa San Francisco.
Noon ay nasa exile sa Estados Unidos si Ninoy dahil sa martial law na idineklara ni Marcos sa buong Pilipinas.
Ikinuwento ni Baby na tuwang-tuwa si Ate Guy nang makausap ang tanyag na Filipino statesman.
“She behaved like she was the president of the Ninoy Aquino Fans’ Club. She would always end her answers to Ninoy with po and opo. She kissed and hugged Ninoy so tightly,” saad ni Baby K.
Nora Aunor (L) and Ninoy Aquino meet up in the U.S. in 1982, just one year before the senator is assassinated.
Photo/s: Manila Times
Nagpahayag din daw ng suporta si Ate Guy kung sakaling bumalik ng Pilipinas si Ninoy.
Tinupad naman ng Superstar ang kanyang pangako—in her own way.
Pinatay si Ninoy noong August 21, 1983, pagkalapag ng kanyang eroplano sa Manila International Airport.
Hindi nakadalo si Ate Guy kahit gusto niyang pumunta.
Ayon kay Baby K: ”Guy was scared of the administration; she had tax problems then.
“But she sent food to the wake.
“She and her Noranians bought pan de sal, with palaman like corned beef and hot dogs, and sent the sandwiches to the mourners.
Si Ninoy ang pinakamalaking political rival ni Ferdinand Marcos, Sr. Nang pinaslang si Ninoy, sa panahong Presidente si Marcos Sr. at siya rin ang Chief of the Armed Forces of the Philippines (AFP), hindi maiaalis sa taong bayan na ito ang pagsuspetsahang mastermind.
NORA AUNOR ENDORSEs FERDINAND MARCOS SR.
Noong February 7, 1986, tatlong taon matapos ng assassination ni Ninoy, nagkaroon ng isang snap election o karakarakang pagtawag ng eleksyon.
Dito ay nagtapat ang nakaupong pangulo, si Marcos Sr., at si Corazon Cojuangco Aquino, ang biyuda ni Ninoy.
Sa eleksiyong ito, nagpahayag ng suporta si Ate Guy para kay Marcos Sr.
Ayon sa report ng The Washington Post, naging malaking dagok sa kampanya ni Cory ang endorsement ng Superstar para kay Marcos.
“Amid the charges, countercharges, and general mud-slinging of the Philippines’ presidential election campaign, the hardest blow appears to have been struck by the endorsement last week of Marcos by a 33-year-old actress, Nora Aunor.”
Ayon sa report na nilathala noong February 3, 1986, sumali si Ate Guy sa “Stars for Marcos,” isang grupo ng mga artistang nag-endorso sa dating diktador, sa huling linggo ng kampanya para sa eleksiyon.
Depensa naman ng kampo ni Cory, maaaring sumuporta lamang si Ate Guy kay Marcos Sr. dahil may kinakaharap itong issue sa kanyang buwis.
Saad pa ng The Washington Post, “Evidently stung, opposition spokesmen reported that Aunor had been pressured into the endorsement because of tax and other problems with the government.”
NORA AUNOR JOINs EDSA REVOLT AGAINST MARCOS SR.
Matapos ang pag-endorso ni Ate Guy sa dating Pangulong Marcos, sumama naman siya sa mga taong nagpatalsik dito.
Sa isang larawang naka-upload sa opisyal na Flickr account ng Presidential Museum and Library PH, makikita ang Superstar na kasama sa mga unang nag-rally sa EDSA noong February 22, 1986.
Kuha ito ng photographer na si Ismail Cajolo.
Umani ng maraming “boo” si Ate Guy mula sa crowd nang nagpakita ito sa EDSA, ayon sa historian na si Emir Mendoza.
Caption ni Mendoza: “Nora Aunor was among the first to arrive that night. She had campaigned openly for the Marcos-Tolentino ticket and many of her fans were disappointed.
“When she went to the barricades on the first night to show her solidarity, she was booed for the first time in her 20-year career during which she received the wild public acclaim given to Cory Aquino.”
Bandang huli, naging Pangulo ng bansa si Cory Aquino.
NORA joins edsa dos AGAINST JOSEPH ESTRADA
Noong January 18, 2001, matapos ang 15 taon, nagpakita muli si Ate Guy sa EDSA, ngayon naman ay para hilingin ang pagbaba sa puwesto ni Joseph Ejercito Estrada, na noo’y Pangulo ng Pilipinas.
Nanawagan siya sa mga Noranians na bawiin ang suporta kay Erap, na may kinakaharap noong kasong plunder.
“Kapag hindi ho kayo bumaba diyan, hindi rin po kami titigil dito,” deklarasyon ni Ate Guy sa harap ng mga nagra-rally sa tinaguriang EDSA Dos.
Pinangunahan din ng Superstar ang pag-awit ng “Bayan Ko.”
Marami ang nagulat sa pagdalo ni Ate Guy sa protestang ito dahil matalik niyang kaibigan si Erap.
Nagtambal pa sila sa mga pelikulang Erap Is My Guy noong 1973 at sa action comedy na Bakya Mo Neneng noong 1977.
Sinasabing naging real-life couple din sila.
Inendorso pa ni Ate Guy ang kandidatura ni Erap sa pagka-Pangulo noong 1998 presidential elections, at sumama pa siya sa ilang campaign events.
Noong January 20, 2001, bumaba sa puwesto si Erap.
Makalipas ang tatlong taon ay inendorso ni Ate Guy para sa 2004 presidential elections si Gloria Macapagal-Arroyo, na siyang pumalit kay Erap nang natanggal ito sa puwesto.
Ginawa pang campaign gimmick ang pagkakahawig ni Nora kay Gloria dahil pareho silang petite at may nunal malapit sa ilong.
Nora Aunor (R) campaigns for President Gloria Macapagal-Arroyo
Photo/s: Jerry Carual – Office of the President, Wikimedia
NORA AUNOR’s NATIONAL ARTIST AWARD from duterte
Noong 2010 presidential elections, walang inendorsong kandidato si Ate Guy marahil dahil nanirahan siya sa Estados Unidos mula 2008 hanggang 2011.
Tatlong taon makalipas, noong 2014, na-nominate ang Superstar para sa award na National Artist.
Ngunit hindi binack-up-an ang kanyang nominasyon ni President Benigno Aquino III—mas kilala bilang Noynoy o PNoy—na anak nina Ninoy at Cory.
Sa isang panayam, sinabi ni Presidente Aquino na na-disqualify ang aktres dahil sa kanyang drug conviction.
Matatandaang noong March 2005, naaresto si Ate Guy sa Los Angeles International Airport matapos makitaan ng walong gramo ng shabu sa kanyang bagahe.
Nag-plead guilty ito at hinatulan ng hukuman ng maliit na multa at anim na buwang drug rehabilitation program.
Saad ni PNoy: “Alam naman nating lahat, na-convict po siya sa drugs. Na-convict at naparusahan.
“Ang tanong ngayon dito, kapag ginawa ba nating National Artist, may mensahe ba akong maliwanag na sinasabi sa sambayanan?”
Matapos nito ay naging malamlam ang tingin ni Ate Guy sa gobyerno ni PNoy.
Sa katunayan, nanawagan pa si Nora na mag-resign si PNoy sa pagka-Pangulo noong 2015.
Dineklara rin ni Ate Guy ang ganitong panawagan noong March 18, 2015, sa isang rally sa labas ng Malacañang, para sa karapatan ng mga Overseas Filipino Workers (OFW).
“Tama na, sobra na, Noynoy mag-resign ka na!” ang maingay na pahayag ni Ate Guy sa rally.
Ang diskwalipikasyon mula sa pagka-National Artist din ang itinuturong dahilan ng pagkampi ni Ate Guy sa mga Duterte.
Ang dating Pangulo Rodrigo Duterte, na nahalal matapos ng administrasyon ni Noynoy Aquino, ang nagbigay ng National Artist award kay Ate Guy noong June 16, 2022.
Noong 2022 presidential elections naman ay tahasang sinuportahan ni Ate Guy ang kandidatura nina Bongbong Marcos at Sara Duterte para sa pagka-Pangulo at pagka-Bise-Presidente.
Sa video na ipinakita sa isang campaign event noong April 2022, makikitang hinihikayat ng Superstar ang mga botante na suportahan ang Uniteam tandem.
“Malaki po ang paniniwala ko kina BBM at Sara na sila ang magbabangon muli sa ating bayan, kaya ang puso ko po ay para sa kanila,” saad ng singer-actress.
NORA AUNOR’S ATTEMPTS TO JOIN POLITICal arena
Ayon sa kampo ni Joseph “Erap” Estrada, may dahilang pulitikal ang pagbaligtad ni Ate Guy noong impeachment trial ni Erap.
Ito raw ay dahil hindi sinuportahan ng dating Pangulo ang balak ni Nora na tumakbo sa pagka-gobernador ng Camarines Sur noong 2001.
Sa Iriga, Camarines Sur, ipinanganak ang Superstar.
Matapos maalis si Erap sa puwesto ay hindi rin natuloy ang sinasabing balak ni Ate Guy na pagkandidato.
Dalawang dekada ang lumipas bago sumali si Ate Guy sa pulitika.
Ito ay matapos siyang irehistro ng bagong party-list na People’s Champ Guardians bilang second nominee nito sa darating na 2025 national elections.
Sa panayam sa kanya ng media sa harap ng Commission on Elections (COMELEC) noong October 7, 2024, sinabi ni Ate Guy na nais niyang maging party-list representative para makatulong sa taumbayan.
“Para lang po makatulong, dahil galing po ako sa pagiging mahirap,” pahayag niya.
Ngunit binawi ng aktres ang pagiging nominee noong Marso 5, 2025.
“Kahit umatras ako bilang kandidato, ako ay mananatiling committed at ipagpapatuloy ko ang aking adhikain na tumulong sa mga mahihirap lalong lalo na sa mga kasamahan ko sa industriyang aking ginagalawan,” saad ng Superstar sa isang statement na ni-release sa media.
Sa halip ay sinuportahan ni Nora ang Kabayan Party List.
NORA’S ACTIVISM
Hindi na nagulat ang mga nakakakilala kay Ate Guy sa pagdeklara niya ng suporta sa naturang party list.
Para sa kanyang mga kaibigan at solid Noranians, ilang dekada na nilang nakikita ang kanilang iniidolo na may puso para sa aktibismo.
May mga detractors na nagsasabing sumasama lang ang Superstar sa agos. May mga nagsabi ring siya ay “balimbing,” “walang loyalty,” at “opportunist.”
Pero para sa mga Noranians, hindi nakakalimutan ni Ate Guy ang kanyang pinagmulang hirap.
Laging kaakibat ng mga kuwento tungkol sa kanilang Superstar ang pagkakapanganak dito sa isang pamilyang hikahos.
Kaya hindi raw sila nagtataka kapag nakikita ang Superstar na sumasali sa mga rally ng mga makakaliwang grupo, tulad ng Bayan Muna at Migrante.
Hindi lang kasi sa mga EDSA rally nagpakita si Ate Guy.
Sumama rin siya sa protesta laban sa mga military bases ng Amerika, sa mababang sahod ng mga guro, at sa nakakaawang estado ng mga magsasakang namatay dahil ipinaglaban ang karapatan nila sa lupa.
Nora Aunor joins the rally of the Alliance of Concerned Teachers-Philippines.
Photo/s: Alliance of Concerned Teachers-Philippines on Facebook
Ang mga rally na kanyang sinamahan ay swak sa imahe ni Ate Guy at sa mga matatapang niyang pagganap sa mga pelikulang tumalakay ng mabibigat na subjects, gaya ng Thy Womb, Bulaklak sa City Jail, Pacita M, at The Flor Contemplacion Story.
Ayon sa mga Noranians, ang pagkawala ni Ate Guy ay kawalan hindi lamang sa mundo ng showbiz kundi maging sa pulitka.
Sa bawat entablado at lansangan na kanyang tinindigan—kahit pa kinuwestiyon ang kanyang intensiyon—nag-iwan si Ate Guy ng marka bilang artista na ginamit ang popularidad para isulong ang boses ng nakararami.
Ito ang paniniwala ng kanyang fandom.
News
From Tears to Cheers: The Iconic Wedding of Christine Reyes and Marco Gumabao That Captivated the Nation
Ipinakita ni Christine Reyes sa publiko ang kanyang kamangha-manghang wedding gown sa isang hindi inaasahang okasyon. Kamakailan lamang, isang maganda…
Lolit Solis May Nakakaiyak Na Hiling Sa Aktor Na Si Gabby Concepcion!
Ikinagulat ng ilang mga netizens na mapag-alaman na hanggang ngayon ay hindi pa rin naging maayos ang relasyon ng…
Rosanna Roces May Mensahe Sa Mga Fans ni Sharon Cuneta!
Hindi napigil ng dating aktres na si Rosanna Roces ang maglabas ng saloobin hinggil sa mga isyung lumutang matapos…
GF Ni Anthony Jennings Inaway Din Umano Si Daniela Stranner Dahil Sa Selos Relate Kay Maris Racal
Kumakalat ngayon ang isang video kung saan si Daniela Stranner, dating ka-loveteam ni Anthony Jennings, ay nagbigay ng pahayag…
Desiree del Valle recalls slapping Paolo Contis too hard on set back in the day: ‘Hindi niya kinaya’
Ibinahagi ng aktres na si Desiree Del Valle ang isang nakakatuwang kwento mula sa kanyang nakaraan, partikular ang isang…
Jake Zyrus Napikon Matapos Tawaging Charice at Pumanget Ang Boses Niya!
Hindi nagustuhan ng sikat na singer na si Jake Cyrus, ang pangyayaring kumalat sa social media ang kanyang pagkadismaya…
End of content
No more pages to load