Dati nang pumanaw ang mga magulang at mga kapatid ni Nora.

Nora Aunora's family

An old portrait of Nora Aunor’s (in white blouse) family. Ang ina ni Nora ay si Antonia “Mamay Tunying” Villamayor (in printed blouse) at ama niya ay si Papay Eustaquio (wearing glasses). Nakatayo sa likuran ni Nora ang mga brothers niyang sina (L-R) Oscar, Eddie Boy, at Nestor. Katabi ng superstar ang isa pang kabatid na si Tita.
PHOTO/S: courtesy of YES Magazine

Pasiyam ang tawag sa siyam na araw na pagdarasal para sa alaala ng yumao dahil sa paniwala ng mga Pilipinong Romano Katoliko na ang namatay ay papasok sa ikasiyam na araw sa kaharian ng mga espiritu.

Ngayong Huwebes, Abril 24, 2025, ang Pasiyam para kay Nora Aunor, ang premyadong aktres at National Artist for Film and Broadcast Arts.

Sumakabilang-buhay si Nora sa edad na 71 sa The Medical City, noong Miyerkules Santo, Abril 16, dahil sa acute respiratory failure.

Napag-alaman ng Cabinet Files na eksaktong 9:53 P.M. nang pumanaw si Nora, ayon sa mga taong nasa loob ng hospital room noon mismong mga oras na iyon.

Mabilis na kumalat ang balitang binawian na ng buhay si Nora—bagay na mahirap ilihim dahil sa kanyang popularidad.

Marami ang nagimbal at hindi makapaniwala.

Ito ay kahit pa naglabas ng kumpirmasyon, sa pamamagitan ng isang Facebook post, ang kanyang anak na si Ian de Leon.

Family of Nora Aunor at Libingan Ng Mga Bayani

Family of Nora Aunor at Libingan Ng Mga Bayani 
Photo/s: Sany Chua

NORA AUNOR FANS, DUMAGSA SA LAMAY

Ilang oras matapos pumanaw, dinala ang mga labi ni Nora sa St. Peter’s Memorial Chapel sa Quezon Avenue, Quezon City, dahil sa kanyang St. Peter Life Plan. Pagkaayos nito ay dinala na siya sa The Heritage Park, Taguig City.

Ibinurol si Nora sa The Heritage Park mula Abril 17 hanggang Abril 22, at dinagsa ito ng kanyang mga tagahanga na nais siyang makita sa huling pagkakataon.

Noong Linggo, Abril 20, ang huling araw ng public viewing.

Pero kinabukasan, Lunes, Abril 21, marami pa rin sa mga tagahanga ni Nora ang nagbakasakaling makapasok sa The Heritage Park.

Namigay ng mga libreng bottled water para sa mga tagasuporta ni Nora na matiyagang pumila at hindi alintana ang mainit na sikat ng araw.

“Galing po yan kay Senator…,” ang paulit-ulit na sinasabi ng isang lalakeng nag-aabot ng bottled water sa mga nauuhaw na taong nakapila.

The state necrological service for National Artist Nora Aunor was held on Tuesday morning, April 22, 2025.

The state necrological service for National Artist Nora Aunor was held on Tuesday morning, April 22, 2025. 
Photo/s: Sany Chua

 

NORA AUNOR STATE FUNERAL

Idinaos sa Metropolitan Theater ang Pagpupugay ng Bayan para kay Nora bago siya ihatid sa kanyang huling hantungan sa Libingan ng mga Bayani noong Martes, Abril 22, 2025.

Malakas na palakpakan mula sa mga dumalo sa Pagpupugay ng Bayan ang umalingawngaw sa loob ng teatro nang buksan ang pulang telon at tumambad sa kanila ang kabaong na kinalalagyan ng mga labi ni Nora.

Family, friends, and supporters flock to the Manila Metropolitan Theater to pay last respects to National Nora Aunor.

Family, friends, and supporters flocked to the Manila Metropolitan Theater to pay last respects to National Artist Nora Aunor. 
Photo/s: Sany Chua

Napapaligiran ng mga puting bulaklak ang kabaong ni Nora.

Habang inilalabas ang kabaong mula sa Metropolitan Theater para dalhin sa Libingan ng mga Bayani, literal na umulan ng mga talulot ng mga puting rosas na isinasaboy ng mga tao mula sa ikalawang palapag ng gusali, at langhap na langhap ang mabangong amoy ng bulaklak.

NORA AUNOR PARENTS AND SIBLINGS

Sina Eustacio Villamayor at Antonia Cabaltera ang mga magulang ni Nora.

May apat na kapatid si Nora: sina Oscar, Tita, Nestor, at ang dating aktor na si Eddie.

Sa immediate family members ng Villamayor, si Nora ang pinakahuli sa mga namatay dahil nauna nang namayapa ang mga magulang at lahat ng mga kapatid niya.

Gaya nang sinabi ng dating aktres at U.S.-based na pamangkin ni Nora na si Marilyn Villamayor, “They are all together in heaven…”