Jimmy Santos clarifies he was in Canada for a vacation.

Jimmy Santos

Veteran comedian Jimmy Santos shows in his latest YouTube video his regular routine since he lives alone in Angeles City. 
PHOTO/S: Jimmy Santos on YouTube

Balik-Pilipinas na ang veteran comedian na si Jimmy Santos matapos magbakasyon sa Canada.

Dalawang taon na ang nakalilipas, pinag-usapan ang ginawang YouTube content ni Jimmy na nangangalakal sa Canada.

Sa content na iyon ay ipinakita ni Jimmy ang high-end machineries sa Canada pagdating sa pagre-recycle ng mga patapong bagay.

Dinala ni Jimmy ang plastic bags niyang puno ng empty cans and containers sa isang modern recycling center.

Sa dala niyang kalakal ay kumita siya ng 15 Canadian dollars o tinatayang PHP600.

Pinag-usapan ang content na iyon ni Jimmy.

Pero sa kanyang latest YouTube content, sinabi ng dating Eat Bulaga host na nasa Pilipinas na siya.

Ipinakita rin niya sa video ang kanyang daily routine na namumuhay nang solo sa Angeles City, Pampanga.

JIMMY talks about “nangangalakal” content in canada

Ipinaliwanag ni Jimmy na ang pagpunta niya sa Canada ay bakasyon para makasama ang anak niya roon at ang pamilya nito.

“Nandito na ho ako sa ‘Pinas. Marami hong nagtatanong. Akala ho nandun na ako sa Canada,” bungad ni Jimmy.

“Hindi po. Pinasyalan ko ho yung apo ko roon para sa kanyang First Communion.”

Binalikan ni Jimmy ang ginawa niyang content ng pangangalakal.

Sabi niya: “At the same time, nakapag-vlog na rin ako dun, nangalakal ako. Maganda naman ho. Maganda naman ho yung sistema ng pagnangangalakal kayo.

“Malinis atsaka talagang disiplinado mga taon dun.

“Mga Asian countries na tao, nandun din. Nagbebenta rin ng kanilang mga de-lata, de-bote, mga kahon.”

Bukod sa content ukol sa pangangalakal, gumawa rin siya ng content na bumisita sa mga Pilipino sa Canada na may startup food business at video ukol sa wine tasting.

Hindi tiyak kung kelan nakabalik ng Pilipinas si Jimmy, pero noong Marso ay nakagawa na siya ng content na nasa Pilipinas.

JIMMY ON LIVING ALONE

Kasunod nito ay ipinakita naman ni Jimmy ang pamumuhay niya nang mag-isa sa Angeles.

“Itong bahay na ito, e, ako lang ho namamahala. Kasi yung anak ko nasa Canada, kasama ng pamilya kaya ako ang nagmi-maintain nitong bahay.”

Sinabi ni Jimmy na siya lahat ng gumagawa ng mga gawaing bahay, tulad ng paglilinis at pagluluto dahil wala siyang kasama.

“Nag-iisa lang ako dito, siyempre, pag wala si Misis, ako na rin ang gagawa ng mga bagay-bagay para kumain, at saka mga personal na gamit ko, ako na rin ang naglalaba.

“At pag andito naman siya, aba, napakasarap magluto ng misis ko. Saka yung mga anak ko nga, nasa kabilang ibayo, nakikipagsapalaran din.”

Sinabi ni Jimmy na proud siya sa kanyang mga anak na mga pamilyado na rin.

Wala naman masyadong impormasyon tungkol sa family life ni Jimmy.

Ayon sa reports, si Jimmy ay may tatlong anak—isang babae at dalawang lalaki.

Ayon sa ilang videos, ang babae ay anak ni Jimmy sa tunay na asawa at ang dalawang lalaki ay anak ng komedyante sa labas.

Balik sa video ni Jimmy, ipinakita niya ang kanyang daily routine.

Matapos ang personal care routine at almusal, ang inatupag niya ay paglilinis tulad ng pagwawalis at pagdidilig ng mga halaman.

Jimmy Santos washing dishes

Jimmy Santos explains he does all the chores in his home in Angeles City since he lives alone. 
Photo/s: Jimmy Santos on YouTube

ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓

Pagkatapos ay pumunta si Jimmy sa gym ng subdivision para mag-work out.

Sa paliwanag ni Jimmy ay naibahagi niya kung bakit maglayo sila ng kanyang misis.

“Bilang nag-iisa ako dito sa Pampanga, e, yung aking misis nasa Pateros po, e.

“Marami po siyang mga inaasikaso na mga bagay doon sa lugar namin doon.

“E, medyo may edad na rin ang misis ko kaya… lalo na po ngayon mainit, medyo ingat-ingat lang po. Talagang pag may edad, talagang dapat, e, wag tayo basta basta lalabas…”

May mga pagkakataong lumalabas daw siya kapag tumatawag ang kanyang mga kaibigan.

“Nagyayang kumain, konting kuwentuhan. Konting shot ng wine,” ani Jimmy.