Chanda Romero admits to being a Nora Aunor fan.

Chanda Romero recounts funny encounter with Superstar Nora Aunor.

Seasoned actress Chanda Romero (left) on the late Nora Aunor (right): “Parang napakasuwerte ko, napaka-blessed ko that… in this lifetime na na-witness ko yung greatness of Nora Aunor.”
PHOTO/S: Lotlot de Leon Facebook / @chandaromero_atlast Instagram

Aminado ang batikang aktres na si Chanda Romero na isa siyang avid fan ni Superstar Nora Aunor.

Ayon kay Chanda, mas higit na lumalim ang paghanga niya kay Nora nang makilala at makasama na niya ito sa ilang pelikula, gaya ng Naglalayag (2004) at Inay (1993).

Sabi ni Chanda, mapalad siya dahil naging parte siya ng industriya sa panahong nagtratrabaho pa si Nora, na idineklarang National Artist for Broadcast and Film Arts noong 2022.

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Chanda sa ikatlong gabi ng lamay ni Nora sa Heritage Memorial Park noong April 19, 2025.

“Sobra, ako talaga I’m speaking like a fan, kasi unang-una, fan niya talaga ako.

“I worked with her a couple of times. Napaka-humble na tao, generous…” pahayag ni Chanda.

“Nagkakasama kami once in a while because of Ricky Lee kasi, so kilala ko siya somehow, the person she really is…”

Ang multi-awarded scriptwriter na si Ricky Lee ay itinuturing na ama-amahan ng mga anak ni Nora. Pareho niyang kaibigan sina Chanda at Nora.

Si Ricky ay kasabay ni Nora na idineklarang National Artist, sa bisa ng Presidential Proclamation No. 1390, noong 2022.

Pagpapatuloy ni Chanda, “I’m grateful that I spent this whole lifetime, at the time I was also in it.

“Parang napakasuwerte ko, napaka-blessed ko that I was able to be, that I’m here, in this lifetime na na-witness ko yung greatness of Nora Aunor.”

CHANDA’S UNFORGETTABLE STORY ABOUT NORA

May isang nakakatawa at di malilimutang kuwento si Chanda patungkol sa namayapang aktres.

“I remember, the first time, sabi nga niya sa akin, ‘Alam mo, nung unang nag-guest ka sa Superstar…’ naaalala daw niya… Sabi niya, ‘Sana naman wag niya akong Inglesin.’”

Ang Superstar ay ang musical variety show ni Nora na tumakbo mula 1971-1989.

Early 1970s nang pumasok sa showbiz si Chanda.

Pagpapatuloy ni Chanda, “Bago pa rin ako nun, I came from Cebu, I’m a Cebuana.

“Nung nag-uumpisa ako, di rin ako masyadong nagta-Tagalog. Sa mga interviews ko kasi kay Inday Badiday, nag-i-English ako, di ako marunong masyado magsalita ng Tagalog.

“Iniisip ko habang lumalapit siya, tinatanong niya kung English, natatawa ako, nakakatawa…”

May ibinahagi rin kay Chanda si Ricky Lee kung paano mahalin at idolohin ng avid fans fans si Nora.

“Maraming kinuwento sa akin si Ricky Lee na parang tatay niya [Nora] na rin na hindi ka maniniwala talaga,” hayag ni Chanda.

“At one point, I think may shooting, and then gusto siyang makita ng mga fans niya, pero kailangan na rin niyang magpahinga.”

Ang nangyari raw ay nagpahinga nga si Nora, pero nakuha pa ring gawin ng fans ang gusto nila.

“Nakahiga lang daw siya sa sala sa location,” kuwento ni Chanda, “‘tapos umiikot lang yung mga fans para tingnan siya. Pinapanood lang siya habang natutulog!

“Ganun ka-loyal at ganun kalaki ang paghanga nila kay Guy, parang dini-Diyos siya, although hindi dapat, pero ganun na lang, almost to that level

“Karapat-dapat naman.”

ON NORA’S HUMILITY

May kalungkutang dagdag ni Chanda, “Ang ano ko lang, we lost our brightest star.”

Huling nakasama ni Chanda si Nora sa panonood ng play na Himala, Isang Musikal (2019)kasama si Ricky Lee, na parehong malapit nilang kaibigan.

“Magkasama kami ni Ricky Lee, nanood kami ng play na Himala.

“Okay pa naman siya [Nora] because that was couple of years ago. Okay naman siya, as usual pag dumarating siya, ang mga fans nagtatago sa likod ko.”

Bilib si Chanda sa aniya’y kababaang-loob ni Nora.

“And yet, pag tiningnan mo siya, alam mo yung accomplishments niya at lahat ng naiambag niya sa industriya, hindi mo ma-place that humility and that greatness, but that was her.”