John Rendez kay Nora Aunor: Ako lang tumagal, lahat ng dumating sumuko

MARAMING nagtatanong kung nasaan ang singer-actor na si John Rendez at tila hindi siya nagpaparamdam ngayong pumanaw na ang Superstar na si Nora Aunor.

Si John ang sinasabing isa sa pinakamalapit na kaibigan ni Ate Guy na siyang nakasama nito sa pinakamadidilim na bahagi ng kanyang buhay.

Habang isinusulat ang artikulong ito ay hindi pa nakikita si John sa wake ni Ate Guy sa The Heritage Memorial Park sa Taguig City.

Mahigit tatlong dekada na ang itinatagal ng special friendship ng dalawa kaya naman waiting din ang publiko sa magiging reaksyon at mensahe ni John  sa pagpanaw ng National Artist for Film and Broadcast Arts.

Nora Aunor, suportado ang singing career ni John Rendez | ABS-CBN Entertainment

Alam na alam ng mga loyal Noranians kung gaano kahalaga si John Rendez sa kanilang idolo kaya naman minahal at nirespeto rin nila ang rapper at aktor tulad ng pakiusap sa kanila ng Superstar

Ayon sa ilang nakausap naming malapit kay Ate Guy wasak na wasak din daw ang puso ngayon ni John dahil sa biglaang pagpanaw ni Ate Guy. Ngunit mas pinili muna nitong huwag magpakita sa publiko habang nagluluksa ang kanyang pamilya.

Base naman sa report ng entertainment columnist-reporter na si Jojo Gabinete, nitong nagdaang Martes Santos, April 15, ay nasa Medical City si John kung saan na-confine ang Superstar.

Nabanggit pa nga raw ng rapper sa Facebook Live nito na sana’y namatay na rin daw siya dahil sa pagkawala ni Nora nitong Miyerkules Santo, April 16.

Matatandaan naman na nito lamang nagdaang April 10 ay si John Rendez pa ang tumanggap ng parangal ni Nora sa World Class Excellence Japan Awards (WCEJA), ang World Class Global Icon of Philippine Cinema 2025.

Sa Facebook page na “Nora Aunor National Artist” in-upload ang litrato ni John habang tinatanggap ang award ni Nora mula sa WCEJA.

Nabanggit naman sa isang interview ni John kung anu-anong mga natutunan niya kay Ate Guy pagdating sa mundo ng showbiz.

“Slow down. ‘Yung mga mannerisms lang kapag magsalita ako. Cinematic performance, ‘yun ang natutunan ko sa kanya, hindi ‘yung acting method na you have to look good on the screen,” aniya.

Tungkol naman sa kanilang pagkakaibigan, “Ako lang ang tumagal. Lahat ng dumating sumuko sila.”

“Ako kasi, hindi ko iniisip ang sarili ko. Kasi, gusto kong makita niya na hindi ko siya iiwanan no matter what they say.

“Not for any purpose, may pera man o wala. Because ano, e… that’s Ate Guy. Loves ko yan, e, di ba?

“I love her more than I love other people, di ba? Kasi pag magkaibigan, hindi lang salita yan. Nakikita sa gawa, e,” ang sabi pa ni John sa isang panayam sa kanya ng entertainment media.