National Artist Nora Aunor dies at 71

National Artist Nora Aunor dies at 71

Binawian ng buhay si Nora Aunor, National Artist for Film and Broadcast Arts, nitong Miyerkules ng gabi, Abril 16, 2025.

Ang kanyang pagpanaw sa The Medical City, Pasig City, ay naghatid ng matinding kalungkutan sa mga mahal niya sa buhay, tagasuporta, at lahat ng nakasubaybay sa kanyang maningning at makulay na showbiz career.

NORA AUNOR’S EARLY CAREER

Si Nora, o Nora Cabaltera Villamayor sa tunay na buhay, ang tinaguriang superstar ng Philippine entertainment industry.

Isinilang siya sa Iriga, Camarines Sur, noong Mayo 21, 1953.

Nag-umpisa ang kanyang showbiz career nang sumali siya at naging Grand Champion sa Tawag ng Tanghalan noong Mayo 29, 1967.

Mula sa pagtitinda ng tubig sa harap ng Bicol Train Station noong bata pa siya, naging sikat na mang-aawit at aktres si Nora.

Binago ni Nora ang kalakaran sa showbiz nang pumasok siya dahil mga mestisa na aktres ang iniidolo noon ng publiko.

Si Nora ang kauna-unahang aktres na kayumanggi na tinangkilik ng mga tao at dinudumog sa lahat ng mga lugar na kanyang pinupuntahan.

INTERNATIONAL AWARDS

Hindi na mabilang ang mga parangal, kabilang ang Lifetime Achievement Awards, na tinanggap ni Aunor dahil sa pagkakaroon nito ng “Golden Voice” at husay sa pagganap sa lahat ng mga karakter na binigyang-buhay niya sa telebisyon at pelikula.

Hindi lamang sa Pilipinas kinikilala ang galing ni Nora, dahil nagwagi siya ng acting awards mula sa iba’t ibang mga international film festival.

Si Nora ang hinirang na best actress sa 19th Cairo International Film Festival noong 1995 dahil sa kanyang pagganap sa The Flor Contemplacion Story.

Ang Himala, ang pelikulang pinagbidahan niya noong 1982, ang pinarangalan ng CNN APSA Viewers Choice Award bilang Best Asia -Pacific Film of all Time noong 2008.

Sa isang panayam ng Cabinet Files kay Nora, ikinuwento niua na naranasan niyang isakay sa crane dahil hindi na makontrol ang pagkakagulo ng kanyang mga tagahanga na gusto siyang lapitan, halikan, at yakapin.

Noong Pebrero 20, 2023, marami ang nabahala para sa kalusugan ni Aunor dahil sa kanyang rebelasyon tungkol sa tatlong minutong pagkamatay niya.

“Namatay na ako ng three minutes nitong nakaraan lang,” pagtatapat ni Aunor sa episode ng Fast Talk With Boy Abunda.

Humingi pa siya ng paumanhin sa publiko dahil hindi niya agad ipinaalam ang nangyari sa kanya.

“Hindi alam talaga ng mga tao. Sorry po, napag-usapan, at hindi naman siguro masama na sabihin ko ang totoo sa talagang nangyari sa akin,” pahayag niya.

Inilahad ni Nora na pabalik-balik siya noon sa ospital, at may insidenteng nagpadala na siya sa ospital dahil bumababa ang kanyang blood pressure.

Napakalaki at hindi matatawaran ang mga kontribusyon ni Aunor sa Philippine entertainment industry kaya tunay na malaking kawalan siya.

At kailanman, hindi na magkakaroon pa ng isang Nora Aunor dahil nag-iisa lamang siya.