Judy Ann: “Kung totoo ka, walang magiging problema.”

Judy Ann Santos, Nora Aunor

Judy Ann Santos says Nora Aunor was a force to be reckoned with as she broke barriers for non-mestiza actresses to assume lead roles in local showbiz industry. Right photo shows Nora and Judy Ann for the production photo of the 1997 film, Babae. 
PHOTO/S: Judy Ann Santos PH on Facebook

Si Judy Ann Santos ang tinaguriang Young Superstar ng kanyang henerasyon.

Sinasabi noon na susunod siya sa yapak ni Nora Aunor bilang Superstar.

Sunud-sunod ang hit movies noon ni Juday, at tinangkilik nang husto ng publiko ang tambalan nila ni Wowie de Guzman.

Masang-masa ang dating ni Juday kaya minahal siya ng kanyang napakaraming tagahanga.

Nagsimula siya bilang child star noong mid-80s; naging sunud-sunod ang box-office-hit movies and hit teleseryes noong mid-90s hanggang early 2000s.

Hanggang ngayon, patuloy pa rin ang kanyang kasikatan.

Dahil dito, ibinigay sa kanya ang titulong Young Superstar.

Inamin ni Judy Ann na nakakataba ng puso ang titulong ito na pinagkaloob sa kanya noon, pero hindi raw niya mapapantayan ang narating at napatunayan ni Nora sa industriya.

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Judy Ann sa huling araw ng lamay ni Nora sa Heritage Memorial Park noong April 21, 2025.

“Alam mo, lagi ko ngang sinasabi, walang iba na puwede pang maging Superstar. Siya lang, si Ate Guy lang talaga,” simula ni Judy Ann.

Guy ang palayaw ni Nora.

“Of course, nakakataba ng puso, lagi namang ganun… but laging sinasabi ko na hindi puwede,” pagtukoy ni Juday sa pagsunod daw niya sa yapak ni Nora.

“Wala namang makakatapat sa kasikatan at sa lawak ng narating niya. Di naman ako magiging ipokrita at magsisinungaling na di siya nakakakilig.

“Pero ni wala sa kalingkingan ng narating ni Ate Guy ang narating ko. Malayo… malayung-malayo…

“I’m just honored, nagpapasalamat ako sa thought na naging parte siya ng karera ko.”

JUDy ann ON WORKING WITH NORA

Dalawang beses nakatrabaho ni Judy Ann si Nora. Una, sa pelikulang Sana Mahalin Mo Ako (1988) at pangalawa ay sa pelikulang Babae (1997).

Dito higit na lumalim ang paghanga ni Judy Ann sa Superstar sa suportang ibinigay ng batikang aktres sa kanya para magampanan nang maayos ang roles niya.

“Yes, one, when I was nine years old, and one nung dalaga na ako,” kuwento ni Juday nang makatrabaho ang Superstar.

“Si Ate Guy, di mo talaga iisipin, ang laking bituin, di ba? Pero once na makasama mo siya sa pelikula, nice talaga siya. Doon ko lang nakita puwede pala yung ganito.

“Bargas siyang makipag-usap sa crew. She’s very down-to-earth. Pero pag rumolyo ang kamera, magugulat ka kung saan nanggaling. Very professional.”

Ikinuwento pa ni Judy Ann ang paraan ni Nora ng pagpapakita ng suporta sa kanyang co-stars.

Hindi raw siya ang tipong tuturuan ang co-star kung paanong atake ang gagawin sa role nito.

“Si Ate Guy, hindi kasi siya yung tipo ng artista na she would coach you.

“She will support you, will guide you all the way… Mararamdaman mo naman kasi siya sa eksena, e. Yun yung higop, yun yung power niya, e,” ani Judy Ann.

“Hindi mo kailangang mag-motivate kapag si Ate Guy ang ka-eksena mo kasi dadalhin ka talaga niya. Dadalhin ka niya, bibitbitin ka niya, gagabayan ka niya.

Ang powerful kasi ng Babae: from Direktor [Lupita] Kashiwahara, Nida Blanca, ako yung pinakabago sa roster…

“Ako talaga, that alone na-overwhelm na ako sa bigat, pero never kong naramdaman yun with Ate Guy and Ms. Nida Blanca.

“I was really guided properly. Doon ko nakita na, ‘Okay, ibang klase.’”

Kay Nora rin daw niya natutunan ang pagpapakatotoo sa sarili, at ang kahalagahan ng kababaang-loob anuman ang marating mo sa industriya.

“Ang sinabi lang naman niya, mahirap ang industriyang ito, pero hangga’t mabuti at mababa ang loob mo, wala kang magiging mali.

“O kung may pagkakamali ka man, aminin mo. Mamahalin ka ng tao hanggang dulo.

“Yun ang pinakanaaalala ko kay Ate Guy. Kung totoo ka, walang magiging problema. Problema na ng ibang tao na hindi totoo sa iyo.”

JUDY ANN GRATEFUL TO NORA’S LEGACY

Sabi pa ng Kapamilya actress, malaki ang utang na loob ng industriya kay Nora dahil ito ang sumira sa paniniwala noon na ang bidang artistang babae dapat ay mestiza, maganda, at matangkad.

Ang Superstar ang nagbukas ng pinto para sa maraming babaeng makapasok sa showbiz at maibahagi ang talento nila sa publiko.

“I think wala naman kailangang words para kay Ate Guy. Her name alone stands, her name alone will be remembered, her legacy…

“I think sa lahat naman sa atin, alam natin na ang iniwan ni Ate Guy ay ang kahusayan sa pag-arte.

“Lahat naman tayo, bilang tao, ay may pinagdaanan, good and bad. But then again, she remained to be Superstar and to be a true and honest star.

“Marami lang talagang pinagdaanan, pero nalagpasan niya. I think napakalaking example nun, e. You really have to take care of yourself.”

Pagpapatuloy ni Judy Ann: “Ang laki ng naitaguyod niya. Dahil sa kanya, napalawak niya ang industriya ng show business. Pinalawak niya talaga.

“Gumawa siya ng daan para sa amin na hindi siya perfect, pero yung mga naabot… nagkaroon ng pangarap ang maraming tao dahil sa kanya.

“So, I think that alone is her legacy to remember.”

Sa huli, nag-iwan ng pasasalamat si Judy Ann kay Nora sa lahat ng naging kontribusyon nito sa industriya, at kung paano ito naging inspirasyon sa mga artista.

“Kapareho ng sasabihin at sinasabi ng maraming tao, maraming salamat. Maraming salamat dahil di naman magiging buo ang industriya ng show business kung wala ang pangalan ni Ate Guy, at wala siya sa industriyang ito.

“Kumbaga, baka wala rin kami kasi, di ba, tinanggal niya yung hulmahan, nakapasok kami.

“Marami, maraming nabuong pangarap dito. Maraming gumanda ang buhay dahil sa kanya.

“Everybody’s proud about that, alam ko na nakangiti si Ate Guy ngayon, knowing na hindi siya makakalimutan ng mga tao.”