Nora Aunor reveals she died for three minutes recently

Nora Aunor lists down the three miracles in her life.
nora aunor fast talk with boy abunda
Nora Aunor lists down the miracles that happened in her life, including being revived after dying for three minutes.

PHOTO/S: GMA Network

Minsan nang namatay sa loob ng tatlong minuto ang National Artist for Film and Broadcast Arts na si Nora Aunor.

Ito ang nakagugulat na rebelasyon ng aktres sa panayam sa kanya ni Boy Abunda sa Fast Talk With Boy Abunda nitong Lunes ng hapon, February 20, 2023.

“Namatay na ako ng three minutes nitong nakaraan lang,” pagtatapat ng nag-iisang Superstar ng Philippine showbiz.

Humingi pa ng paumahin si Nora dahil hindi niya ito pinaalam kaagad sa publiko.

“Hindi alam talaga ng mga tao. Sorry po, napag-usapan at hindi naman siguro masama na sabihin ko ang totoo sa talagang nangyari sa akin,” pahayag niya.

Pabalik-balik daw siya noon sa ospital, at may insidente raw na nagpadala na siya sa ospital dahil bumababa ang kanyang blood pressure.

Ikinuwento ni Nora na sinabi niya sa mga nag-asikaso sa kanya sa ospital na oxygen lamang ang kailangan niya. Pero wala raw tumulong agad sa kanya at hindi siya agad binigyan ng oxygen.

“Pagkahiga ko, hindi ko na alam kung ano ang nangyari,” sabi ni Nora.

Nalaman lang daw ni Nora ang kanyang tatlong minutong pagkamatay nang magkaroon siya ng malay at nasa ICU na siya.

“Sabi nga sa akin, ‘Suwerte mo, mahal ka ng Diyos,’” kuwento ni Nora tungkol sa kanyang “pagkamatay.”

Nabanggit ni Nora ang tungkol dito dahil napag-usapan nila ni Boy ang mga himalang nangyari sa kanyang buhay.

boy abunda nora aunor fast talk

CAR ACCIDENT

Ang itinuturing ni Nora na unang himala na nangyari sa kanya ay ang nakaligtas siya sa aksidenteng nangyari sa shooting ng Himala sa Ilocos Norte noong 1982.

Akala raw ng mga kasamahan niyang artista sa pelikula ay namatay na siya dahil sa head-on collision ng minamaneho niyang sasakyan sa nakasalubong na sasakyan.

“Naaksidente po ako. Ako ang nagda-drive, wrong lane yung pinasok ko, nagbanggaan.

“So, yung sasakyan ko, talagang accordion. Talagang hindi na nagamit,” pagbabalik-tanaw ni Nora sa vehicular accident na naganap pero himalang nakaligtas siya at ang kanyang mga kasama.

“Ang sabi nila, nagdasal sila. Akala nila baka namatay na ako, saka yung tsinelas kung saan-saan napunta.

“Ang maganda po nito, nung maaksidente ako, ang narinig, ‘Boss, yung kasama ko.’ Pagkatapos noon, wala na akong narinig.

“Ang nangyari pala, yung salamin sa harapan, natanggal sa sasakyan pero buo, hindi nabasag.

“Yung manibela naman, imbes na tamaan ako sa dibdib, lumihis yon sa akin, so wala talaga akong naramdamang sakit.

“Ang naramdaman ko lang yung nauntog yung ulo ko sa may bintana.”

Ilang oras daw siyang naging unconscious noon.

ON LOSING HER VOICE

Kahit nawalan ng boses at hindi na nakakakanta dahil sa diumano’y nagkamaling operasyon sa kanya sa isang clinic sa Japan noong 2010, itinuturing pa rin ni Nora na himala ang pagkakaligtas niya.

“Yung pangalawa, sa Japan, nawala ang boses ko kasi tatlong araw po ako na… wala talaga,” sabi ng Superstar.

“Kung anu-ano na ang panaginip ko, dalawang araw akong hindi nagising.

“Paggising ko, sigaw ako nang sigaw, wala akong marinig na boses [mula] sa akin, tapos wala pa akong makita sa clinic na pinagdalhan sa akin, walang tao.

“So, sinipa ko yung kama para mag-ingay. Kaya lang sila pumasok, nung marinig nila yung ingay.

“Salita ako nang salita, tanong ako nang tanong. Sabi ko, ‘Bakit wala akong boses?’

“Ang sabi sa akin, nilinis daw yung lungs ko. Nilinis daw yung lungs ko kasi puno raw ng sigarilyo.

“Sabi ko naman, ‘Diyos ko naman, ang tagal-tagal ko nang naninigarilyo, hindi naman ako… hindi dapat mangyayari itong nawala ang boses ko.’”

Nakaramdam daw ng matinding takot si Nora sa nangyari dahil ang boses na puhunan niya sa showbiz ang nawala.

“Bakit ganito ang nangyari? Para bang, ano bang malaking kasalanan ang nagawa ko?” tanong ni Nora.

Nagdasal daw siya noon nang taimtim sa Panginoong Diyos dahil sa sobrang pagsubok na kanyang naranasan.

Pahayag ni Nora, “Inisip ko na lang po na ibinibigay ng Diyos [ang mga pagsubok] dahil sa mga magiging kapalit pero ang tagal na, no?

“May mga insidente na puwedeng sisihin, may mga tao dapat… pero mahirap na magsalita kasi andun na. Magsalita ka man na magsalita, wala naman mangyayari.”